Rescuers evacuate residents near a flooded village in Marikina City, Metro Manila August 7, 2012. Rescuers rushed to reach trapped residents across the Philippine capital on Tuesday, as torrential rains triggered severe flooding. Flood waters reached up to two metres (6.5 feet) in the village of Tumana in Marikina City, an eastern suburb of metropolitan Manila, where some residents were stranded in their homes. REUTERS/Cheryl Ravelo (PHILIPPINES - Tags: DISASTER ENVIRONMENT SOCIETY)

#PaalalaNiVibal: Paano maging handa at manatiling ligtas sa baha?

July 12th, 2018

Panahon na naman ng sunod-sunod na pagpasok ng bagyo sa ating bansa kaya naman kaliwa’t kanan na ang mga lugar na binabaha. Marahil ay sanay na ang ilan sa paulit-ulit na pagbaha, ngunit ito pa rin ay posibleng maging banta sa buhay at ari-arian kaya’t dapat na malaman kung paano ito dapat paghandaan.

Ang pagbaha ay ang pagtaas ng tubig na dulot ng ulan na minsan pa ay unti-unting lumalaki tulad ng flash flood, kung saan naiipon ang tubig-ulan sa loob ng ilang minuto o oras lamang. Ito ay kadalasang may mapanganib na buhos ng rumaragasang tubig na may dalang mga bato, putik, at mga debris.

Ayon sa Philippine Red Cross at National Disaster Risk Reduction and Management Council, mahalaga na paghandaan at pagplanuhan ang panganib na dulot ng pagbaha. Narito ang ilang payo na maaaring sundin ngayong panahon ng tag-ulan.

Bago Bumaha

  • Makinig sa radyo para sa mga abiso at direksiyon kung saan posibleng tumaas ang tubig-baha.
  • Lagyan ng matibay na suporta ang haligi ng bahay.
  • Iakyat ang mga gamit sa mas mataas na lugar upang kung sakali mang bumaha, hindi ito mababasa.
  • Mag-imbak ng malinis na tubig at mga pagkaing hindi madaling masira tulad ng mga de-lata.

Kapag Baha Na

  • Kapag inanunsiyo na kailangang lumikas, sumunod kaagad at huwag mag-panic.
  • Siguraduhin na naka-off ang main switch ng kuryente at tangke ng gas. Tanggalin ang lahat ng nakasaksak na appliances.
  • Huwag maglaro, maligo, o sumugod sa tubig-baha upang maiwasan ang sakit na maaaring idulot nito tulad na lamang ng leptospirosis, galis, at alipunga.
  • Lumayo sa mga bumagsak na poste. Maging alerto rin sa gas leaks. Gumamit ng flashlight sa pag-iinspekto nito.

Pagkatapos ng Baha

  • Maging maingat sa pagbalik sa inyong mga tahanan. Gumamit ng flashlight. Iwasan ang paggamit ng gasera o kandila dahil ang mga ito ay maaaring magdulot ng sunog.
  • Ipagbigay-alam ang mga putol na kawad ng kuryente o telepono sa tamang ahensiya.
  • Ipatingin muna sa electrician ang nabasang main switch ng kuryente o gamit na de-kuryente kung ito ay nabasa.

Maging responsableng mamamayan; palawigin ang kaalaman kung paano mapapanatiling ligtas sa panganib ang iyong pamilya mula sa pagbaha. Alamin ang mga praktikal na solusyon upang makaiwas sa sakuna sa tulong ng librong Disaster Readiness and Risk Reduction na isinulat nina Francis Ron C. De Guzman at Denise Ann-Marie R. Suarez. Alamin ang nilalaman ng librong ito sa pamamagitan ng link na ito.

Para sa orders, mag-email  sa customercare@vibalgroup.com.

Patuloy na maging handa sa bangis na dulot ng kalamidad. Maging alerto at mapagmatiyag.

Photo: Cheryl Ravelo/REUTERS