Pag-usapan Natin ang Ortograpiyang Filipino

Ortograpiya. Bago man sa inyong pandinig o hindi, marahil ay marami ang hindi sigurado kung ano ang tunay na kahulugan nito. Panahon na para bigyang-pansin ang ortograpiyang Filipino.

Ang ortograpiya ay ang paraan ng pagbibigay-simbolo sa mga tunog mula sa wikang pasalita at ang pagbuo ng mga tuntunin kung paano gagamitin ang mga ito sa pagsulat. Ito ang paraan ng pagbabaybay sa mga salita na ginagamit sa wika.

Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming pinagdaanang pagbabago ang wikang Filipino, kaya naman kaugnay nito ang pabago-bago ring mga tuntunin ukol sa paraan ng pagsulat nito. Nagsimula ang ating wika sa baybayin na binubuo ng 17 simbolo na kumakatawan sa mga titik: 14 na katinig at 3 patinig. Ang sinaunang paraan ng pagsulat na ito ay ‘di kalaunang napalitan ng sistema ng Abakada na binuo ni Lope K. Santos.

Ang Abakada ay binubuo ng 20 titik. Sa paglipas ng panahon, naging kapansin-pansin ang pangangailangan ng mga karagdagang titik sa ating alpabeto dahil sa pagdami ng mga hiram na salita mula sa Espanyol at Ingles. Sa kadahilanang ito, nagkaroon ng muling pagbabago sa ating alpabeto at tinawag itong Bagong Alpabetong Filipino. Ang alpabetong ito ay binubuo ng 28 titik, idinagdag ang mga hiram na letrang C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z.

Kasabay ng pagpapalit-palit ng sistema ng ating alpabeto ay ang pagbabago rin ng sistema ng pagsulat sa wika, kaya naman bumuo ng Ortograpiyang Pambansa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magkaroon ng isang sistematikong gabay ang bawat isa sa pagsulat sa wikang Filipino. Ang ortograpiyang pambansa ay binuo noong Marso 2013 at opisyal na ipinalaganap ng CHED noong Hulyo 2013 at ng DepEd noong Agosto 2013.

Maraming tuntunin ang tinalakay sa Binagong Gabay sa Ortograpiyang Filipino. Narito ang ilan sa mga tuntunin na dapat nating tandaan dahil ito ang mga kadalasan nating ginagamit sa ating pang-araw-araw na pagsusulat.

Mga Tuntunin sa Paggamit ng mga Hiram na Letra

Ang mga hiram na letra sa bagong alpabetong Filipino ay ginagamit sa dalawang pagkakataon:

Una, sa mga pangngalang pantangi. Halimbawa: Vibal Group, Francisco Coching, Nueva Ecija, Zamboanga, at iba pa. Pangalawa, sa mga salitang siyentipiko at teknikal. Halimbawa: oxygen, habeas corpus, x-ray, at iba pa.

Ipinapahintulot at isinusulong ang pagsasa-Filipino ng ispeling ng mga hiram na salita mula sa Ingles at sa iba pang wikang banyaga ngunit may mga pagkakataon na hindi maaaring isagawa ang pagre-reispeling:

  1. kapag nagiging katawa-tawa ang salita sa Filipino;
  2. kapag nagiging mas mahirap basahin ang bagong anyo kaysa orihinal;
  3. kapag nasisira ang kabuluhang pangkultura, panrelihiyon, o pampolitika ng orihinal na salita;
  4. kapag popular na ang orihinal na anyo ng salita;
  5. kapag lumilikha ng kalituhan ang bagong anyo dahil may kapareho o kahawig na salita sa Filipino.

Ilan sa mga halimbawa ng mga hiram na salita na hindi na kailangan i-reispel sa Filipino ay feng shui, baguette, duty-free, foie gras, at hydrogen.

Isang teknik upang mas mapadali at maging tama ang pagre-ispeling ng mga salita ay ang pagbatay sa kasingkahulugan ng mga salita sa Espanyol kaysa sa Ingles dahil ang anyo ng mga salita sa Espanyol ay mas maraming pagkakahawig sa Filipino, gaya sa pagbaybay at sa pagbigkas.

Disiplina sa pagbigkas ng E/I at O/U

Dapat magkaroon ng disiplina sa paggamit at pagpapalitan ng E/I at O/U. Isinusulong na ihinto ang nakasanayang ugali na gawing I ang E sa umpisa ng mga salita at ang pagpapalit ng U sa O. Ilan sa mga salitang hindi dapat simulan sa I ay estudyante, estilo, espiritu, espesyal, at estasyon.

Ang mga halimbawa naman ng mga salitang may O na hindi dapat pinapalitan ng U ay koryente, politika, kompanya, bombero, at tradisyonal.

Ang pagpapalit ng I sa E at ng U sa O ay dapat ding iwasan kapag nag-uulit ng mga salitang may gitling, gaya ng mga sumusunod:

  1. ano-ano, hindi anu-ano;
  2. taon-taon, hindi taun-taon;
  3. sino-sino, hindi sinu-sino

Nagaganap lang ang pagpapalit ng U sa O kapag walang gitling ang pag-uulit ng salita at nagbibigay na ito ng panibagong kahulugan gaya ng haluhalo na isang panghimagas o salusalo na isang piging o handaan para sa mga tao.

Ang Paggamit ng Daw/Din at Raw/Rin

Ang “daw” o “din” ay ginagamit kapag ang salitang sinusundan nito ay nagtatapos sa katinig gaya ng mga sumusunod na halimbawa:

Ipinagpaliban daw niya ang kanyang pag-alis.

Malamig din ang klima sa Baguio.

Ginagamit din ito kapag ang salita ay nagtatapos sa -ray at -raw:

Mataray daw ang pinsan niya.

Araw-araw din akong gumigising nang maaga.

Ginagamit naman ang “raw” o “rin” kapag ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa patinig at malapatinig (w at y). Gaya ng mga sumusunod na halimbawa:

Nabasa raw ng ulan ang mga libro.

Mababaw rin ang kaligayahan ng mga kabataan.

Kailan Ginagamit ang Ng at Nang

Isa sa madalas na kinalilituhan sa pagsusulat ng wikang Filipino ang tamang paggamit ng “ng” at “nang.” May limang tuntunin na ibinigay kung kailan lamang ginagamit ang nang at ito ay:

  1. Kapag kasingkahulugan ng noong. Halimbawa: “Nang ako’y natutong magbasa, naging paborito ko na itong gawain.”
  2. Kapag kasingkahulugan ng upang o para. Halimbawa: “Kailangan mo magbasa ng maraming libro nang madagdagan ang iyong kaalaman.”
  3. Kapag katumbas ng pinagsamang na at ang. Halimbawa: “Sa panahon ngayon, madami nang gumagamit ng teknolohiya sa paaralan.”
  4. Kapag magsasabi ng paraan o sukat. Halimbawa: “Nakahinga siya nang maluwag matapos lumabas ang resulta ng pagsusulit.”
  5. Kapag ginagamit bilang pang-angkop ng inuulit na salita. Halimbawa: “Nag-ensayo nang nag-ensayo ang grupo nila para sa pagtatanghal.”

Kung hindi angkop ang alinman sa limang ito, ng ang nararapat na gamitin sa isang pangungusap.

Maliban sa mga nabanggit, marami pang iba’t ibang tuntunin ang tinalakay sa Binagong Gabay sa Ortograpiyang Filipino. Kasabay sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto ang lalo pa nating pagkilala sa ating wika. Marapat lang na pag-aralan pa ito nang mas malalim upang mas malinang ang ating mga kasanayang pangwika.

About the author: Nicole Tizon

Leave a Reply

Your email address will not be published.Email address is required.